Pumanaw na sa sakit na kanser ang dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Philip Ella ‘Popoy’ Juico nitong Sabado ng gabi sa edad na 78.
Ito’y matapos kumpirmahin ng kaniyang anak na si Quezon City 1st District Representative Joseph Juico ang pagpanaw ng ama nito sa isang social media post nitong Linggo, Nobyembre 1.
“It is with a heavy heart that I share the passing of my beloved father, Philip ‘Popoy’ Ella Juico, who peacefully joined our Creator at 8:18 p.m. on 31 October 2026,” saad sa pahayag nito.
“While our hearts are filled with sadness, we find comfort in knowing that he is finally free from pain and suffering, and is now resting in God’s loving embrace,” dagdag pa nito.
Tinamaan ng sakit na cancer ang dating chairman nitong 2022.
Dalawang taong nanilbihan bilang ika-apat na chairman ng PSC si Juico sa ilalim ng termino ng dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ngunit bago ito maluklok bilang PSC chairman, dalawang taon ding nanilbihan si Juico bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform sa ilalim naman ng termino ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1987 hanggang 1989.
Naging dekano rin si Juico ng Graduate School of Business ng De La Salle Professional Schools matapos ang kaniyang serbisyo sa PSC.
Bilang dating La Sallian, naitalaga rin si Juico sa De La Salle Sports Hall of Fame dahil sa kaniyang mga kontribusyon at naging presidente rin ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa).
Sa ilalim ng kaniyang termino rin sa Patafa nakilala bilang world athlete ang sikat na pole vaulter at former world no. 6 na si EJ Obiena noong sumabak ito sa Tokyo Olympics, bago tumabang ang ugnayan ng dalawa at mapalitan si Juico sa pwesto ng kasalukuyang presidente na si Terry Capistrano.













