-- Advertisements --

Pinasuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng MV OceanJet 788 matapos itong sumadsad at bumangga sa loading dock ng Tagbilaran Port sa Bohol noong Sabado, Oktubre 31.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, ipinatupad ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang suspensyon upang matiyak na ligtas at sumusunod sa itinakdang pamantayan ang mga barkong bumibiyahe sa karagatan.

Dahil dito, pansamantalang hindi pinapayagang bumiyahe ang naturang fastcraft hangga’t hindi ito sumasailalim at nakapapasa sa safety inspection ng MARINA.

Ayon kay Dizon, dapat tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero sa lahat ng sektor ng transportasyon, lalo na ngayong Undas na inaasahan ang pagdami ng mga biyahero.

Layunin din nitong masiguro na walang barkong hindi nakatutugon sa safety requirements ang papayagang magpatuloy sa operasyon.