Suportado ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang inisyatiba ng Department of Energy (DOE) na bumuo ng science-based safety standards para sa pagbiyahe ng electric at hybrid vehicles sa mga domestic passenger vessel.
Ayon sa MARINA, nakikipagtulungan ito sa DOE, Bureau of Fire Protection (BFP) at PCG para repasuhin ang kasalukuyang safety protocols at magtakda ng mga requirement sa pagkakarga ng electric at hybrid vehicles sa mga barko.
Gayunman, nilinaw ng MARINA na wala pang pinal na findings na nagsasabing ang electric vehicle na naiulat na sakay ng MV June Aster ang sanhi ng sunog.
Samantala, tiniyak ng MARINA na patuloy nitong tututukan ang safety at seaworthiness ng mga barko, kasabay ng paggunita sa National Maritime Week.
Ayon kay MARINA Planning and Policy Service Director Precila Jara, patuloy nilang iniimprove ang proseso ng pagsusuri sa seaworthiness ng mga vessel dahil mahalaga itong matiyak bago payagang maglayag ang mga barko.
Sinabi ni Jara na mayroon silang mga checklist at mas tinututukan ang mga aspeto ng operasyon at kaligtasan ng mga barko para matiyak na sumusunod ang mga ito sa maritime safety requirements.
















