-- Advertisements --

Nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa pamahalaan na pabilisin ang imbestigasyon at pagtulong sa mga pamilya ng mga nasawi at survivors ng sunog sa M/V June Aster, na ikinasawi ng 77 katao at nag-iwan ng walo pang nawawala sa Coron, Palawan noong Setyembre 9.

Ayon kay Tulfo, hindi dapat mapabayaan ang mga naulilang pamilya at mga nakaligtas sa trahedya, lalo na’t ilan umano sa mga ito ang dumulog sa kanyang tanggapan dahil sa kawalan ng sapat na tulong mula sa operator ng ferry na Atienza Interisland Ferries Inc.

Sinabi ng senador na nakatanggap umano siya ng mga ulat mula sa mga pamilya ng mga biktima na pinauwi na lamang umano at pinaghihintay sa mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay.

Inilarawan ni Tulfo na nakakakilabot ang pangyayari at iginiit na hindi dapat manahimik at pabayaan lang ng pamahalaan ang mga naulinang pamilya ng mga biktima na labis aniyang na trauma. Tiwanag ito ng senador na kawalan ng hustisya. 

Kasunod nito, hinimok niya ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na bilisan ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog at ang mga posibleng pagkukulang na naganap bago at habang nasusunog ang barko.

Kabilang sa nais malinawan ng senador kung may mga mapanganib na kargamento sa ferry at kung nasunod ang mga itinakdang emergency protocol nang sumiklab ang sunog.

Bukod sa pananagutan, iginiit din niya ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilya ng mga nasawi at mga survivor, kabilang ang usapin sa kompensasyon o danyos.

Sinabi ni Tulfo na dadalhin niya sa Senado ang usapin upang matukoy ang pananagutan sa trahedya, matiyak ang makatarungang pagtulong sa mga biktima at makapaglatag ng mga repormang magpapalakas sa kaligtasan ng mga biyahero sa mga sasakyang pandagat.