Patuloy pa ring naghahanap ng katotohanan at katarungan ang pamilya ng yumaong photojournalist na si Reynaldo Momay, labimpitong taon matapos ang karumal-dumal na 2009 Maguindanao Massacre, sa kabila ng hindi pa rin pagkatagpo sa kanyang mga labi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, inihayag ng kanyang anak na si Ma. Reynafe Momay-Castillo ang sakit na nararamdaman ng kanilang pamilya dahil sa kawalan ng kasiguruhan sa sinapit ng kanyang ama, bagama’t narekober sa “massacre site” ang pustiso, jacket, at mga kagamitan nito sa potograpiya.
Lalo pang nadagdagan ang kanilang hinanakit nang mapawalang-sala ang mga akusado sa kaso ng kanyang ama noong 2019 dahil sa kakulangan ng ebidensya, dahilan upang maghain sila ng apela sa Court of Appeals.
Bagama’t napatawad na niya noong 2011 ang mga responsable sa krimen, iginiit ni Momay-Castillo na hindi siya titigil sa paglaban para sa hustisya, lalo na’t may ilang kaanak na ng mga biktima ang pumanaw nang hindi nakakamit ang katarungan.
Sa pamamagitan ng dokumentaryong “58” na gumamit ng rotoscoping animation, patuloy niyang ibinabahagi ang trauma ng mga biktima habang nananawagan sa publiko, partikular sa mga kabataan, na maging mapanuri sa impormasyon at responsable sa pagpili ng mga lider tuwing eleksyon.














