-- Advertisements --

Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng mababang hukuman na nag-absuwelto kay Datu Akmad “Tato” Ampatuan sa kasong murder kaugnay ng madugong Maguindanao massacre noong 2009 na kumitil sa 58 katao.

Nag-ugat ang kaso sa apela ng estado na kumukuwestyon sa naunang desisyon ng Court of Appeals at Quezon City Regional Trial Court na nag-absuwelto kay Datu Akmad.

Base sa desisyon ng First Division ng Korte Suprema, walang sapat na ebidensya na nagpapakita ng aktwal na partisipasyon o pakikipag-sabwatan ni Datu Akmad sa krimen, kahit pa siya’y dumalo sa mga pagpupulong kung saan plinano ang pagpatay at nagpahayag ng pagsang-ayon sa plano

Nilinaw ng Korte na ang simpleng kaalaman, pagsang-ayon, o suporta sa plano ay hindi sapat para maparatangan ng sabwatan kung walang konkretong aksyon o partisipasyon sa krimen.

Bagamat si Datu Akmad ay dumalo sa mga pulong at nagpahayag ng suporta sa plano, hindi siya aktwal na sumama sa mismong insidente ng pamamaslang. Wala rin umanong napatunayang “overt act” na ginawa niya upang isulong ang krimen.

Dagdag pa ng Korte Suprema, kahit pa ipinadala niya ang kanyang tauhan na si Talembo Masukat, na sangkot sa karahasan, hindi pa rin ito sapat na ebidensya upang masabing kasabwat siya.

Sa huli, iginiit ng Korte na ang kaugnayan niya kay Datu Andal Sr. bilang kaniyang manugang ay pasok sa probisyon ng Revised Penal Code na nagbibigay ng exemption sa pananagutan ng accessory sa krimen kung ito ay kamag-anak ng pangunahing akusado.

Matatandaan si Datu Akmad ay isa sa mga na-indict para sa 58 bilang ng kasong murder kaugnay sa Maguindanao massacre.