-- Advertisements --

Itinuturing ni Senate President Vicente Sotto III bilang isa lamang “publicity stunt” ang inihaing petition for indirect contempt ni Atty Ferdinand Topacio laban sa kaniya.

Matatandaan, kahapon, Pebrero 13 nang ihain ng grupo nina Atty. Topacio ang naturang petisyon laban sa lider ng Senado sa Korte Suprema dahil sa umano’y paglapastangan niya sa hudikatura kaugnay sa desisyon nito sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Sa isang statement na inisyu ng Senate President ngayong Sabado, Pebrero 14, tinawag niyang isang ‘nuisance suit’ ang naturang petisyon, na wala aniyang legal na batayan.

Paliwanag ng Senador na nagpapahayag lamang siya ng kaniyang pagtutuol at ang kaniya umanong pagbatikos sa desisyon ng hukuman ay hindi maituturing na indirect contempt o pagsuway sa utos ng korte. Bilang abogado, dapat alam umano ito ni Atty. Topacio, bilang may mahabang record ng hayagang pagbatikos sa mga desisyon ng korte na hindi paborable sa kaniyang mga kliyente.

Iginiit ng Senador na sa ilalim ng Rule 71 ng Rules of Court, ang Indirect Contempt ay mga kilos na nagawa sa labas ng korte o paggawa ng aksyon na nakakasira sa administrasyon ng katarungan o hustisiya, bagay na hindi umano niya nagawa.

Sa halip, inihayag lamang umano ng Senador ang kaniyang pagtutol sa desisyon ng korte, na isang protektadong pananalita sa ilalim ng Konstitusyon.

Inihalimbawa ni Sotto bilang precedent ang isang kaso kung saan nagpasya ang Korte Suprema na ang kritisimo sa aksiyon o desisyon ng hukom ay maaari lamang parusahan kung ito ay may malinaw at kasalukuyang banta sa pagbibigay ng hustisiya.

Gayundin ang kaso ng Estrada vs Desierto kung saan nagpasya ang SC na hindi ligtas o exempted ang mga korte mula sa kritisismo at inaasahang makayanan ang mga pagtutol sa demokratikong sistema.

Samantala, nakahanda namang tumugon ang Senate President sa petisyon sa oras na iutos ito ng Korte Suprema.