-- Advertisements --

Pinalagan ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang pananaw na hindi maaaring ilabas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bank records at mahahalagang impormasyon na hinihingi sa nagaganap na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang manifestation, nilinaw ni Hontiveros na hindi nangangahulugang lubos nang ipinagbabawal ng confidentiality provision sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act ang pagbibigay ng impormasyon ng AMLC.

Aniya, ang nasabing requirement ay nakatuon sa pagbabawal sa basta-basta o boluntaryong paglalabas ng confidential information.

Ngunit hindi naman aniya ito nangangahulugan na bawal na silang sumunod sa “subpoena” na inilabas ng isang tamang korte, kabilang na ang Impeachment Court.

Dagdag pa ng Senador, mukha namang handang tumestigo ang opisyal ng ahensya sa nagaganap na impeachment trial ng bise president kung kaya’t nararapat itong ilagay sa opisyal na rekord ng pagdinig.