-- Advertisements --

Naglabas ng pahayag ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kumakalat na mga alegasyon sa social media na umano’y sapilitang ikinukulong ang isang dating household staff member ni Vice President Sara Duterte at apat pang indibidwal sa isang hotel sa Bonifacio Global City (BGC).

Kabilang sa mga alegasyon ang umano’y pamimilit sa mga ito na lumagda sa isang affidavit na naglalaman ng mga hindi totoong paratang, gayundin ang pagbabanta sa kanilang buhay. Ayon sa PNP, seryosong usapin ang mga naturang alegasyon na maaaring may kaugnayan sa ilegal na pagpigil sa kalayaan, pamimilit at pagbabanta, kaya kinakailangang masuri at maaksyunan alinsunod sa batas.

Batay sa beripikasyon ng pulisya, noong November 17, 2026, nagtungo sa Fort Bonifacio Police Sub-Station 1 sa Taguig City ang dalawang abogado ng dating household staff member upang humingi ng police assistance. Hiniling nilang samahan sila sa isang hotel sa BGC upang kunin ang dating kawani at apat pang indibidwal na umano’y pinipigilan doon.

Agad namang sinamahan ng mga pulis ang mga abogado patungo sa hotel. Pagdating sa lugar, nakita nila ang limang indibidwal na walang nakikitang pagpigil sa kanilang kalayaan at hindi rin nag-ulat ng anumang agarang banta sa kanilang kaligtasan. Kusang bumaba umano ang mga ito mula sa kani-kanilang silid at sumama sa mga pulis patungo sa himpilan.

Sa presinto, tumanggi ang limang indibidwal na gumawa ng sarili nilang sinumpaang salaysay tungkol sa iniulat na pagkakakulong. Hindi rin nila tinukoy kung sino ang umano’y nasa likod ng insidente o kung saan nagmula ang mga sinasabing pagbabanta sa kanilang buhay.

Gayunman, tiniyak ng PNP na handa itong tumanggap ng mga pormal na reklamo at sinumpaang salaysay mula sa sinumang magsusumbong ng pagbabanta. Nangako rin itong magbibigay ng nararapat na police assistance at proteksiyon alinsunod sa mga umiiral na proseso.

Muli ring iginiit ng pambansang pulisya na nananatili itong isang apolitikal na institusyon at walang pinapanigan sa mga usaping may kinalaman sa politika.