Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang 15 kilo ng hinihinalang high-grade marijuana kush na nagkakahalaga ng P18 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Tangub, Bacolod City noong Martes, Nobyembre 17, 2026.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), isang 28-anyos na lalaki na itinuturing na high-value individual at kabilang sa lokal na anti-drug abuse database ang naaresto sa operasyon na ikinasa ng mga tauhan ng Bacolod City Police Office (BCPO).
Bukod sa hinihinalang marijuana na nakalagay sa plastic bag, nakumpiska rin ang buy-bust money at iba pang ebidensiyang may kaugnayan sa kaso.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng pagbebenta at pagmamay-ari ng ilegal na droga.
















