-- Advertisements --

Bagama’t walang binabantayang low pressure areas (LPA), inaasahang magdadala ng pag-ulan ang shear line sa ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 20, kabilang ang tatlo pang weather systems, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA).

Sa inilabas nitong weather forecast nitong umaga, maaaring magdala ang shearline ng maulap na kalangitan at pakalat-kalat na pag-ulang may kasamang thunderstorms sa silangang bahagi ng Northern Luzon.

Mararanasan ito sa mga lugar tulad ng Nueva Vizcaya, at Quirino, kabilang ang mainland Cagayan at Isabela, kung saan tinataya ng state weather bureau ang 50 hanggang 100 millimeters na rainfall na posibleng magtagal hanggang sa araw ng Sabado at Linggo.

“We anticipate that rainy weather is likely from now until Sunday in this part of the country—specifically along the coastal areas of Cagayan and Isabela,” ayon kay PAGASA weather specialist Obet Badrina.

Samantala, inaasahan namang magdadala rin ng pakalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang ilang bahagi ng Mindanao, Central VIsayas, Palawan, Leyte, Southern Leyte, Negros Oriental, at Siquijor dulot ng intertropical convergence zone (ITCZ).

Para naman sa lagay ng panahon sa Extreme Northern Luzon, magiging maulap ang inaasahang panahon sa Batanes, Babuyan Islands, kabilang ang Apayao dala ng northeast monsoon o amihan.

Amihan din ang inaasahang magdadala ng posibilidad ng maulap na kalangitan sa Ilocos Region at sa nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region.

Sa kapuluan ng Visayas at Southern Luzon, inaasahan namang magdadala ang easterlies ng maulap na kalangitan na may kasamang pakalat-kalat na pag-ulan sa natitirang bahagi ng Eastern Visayas, Albay, Sorsogon, at Masbate gayundin ang Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa.