Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang hindi bababa sa apat na barangay sa bayan ng Macalelon, Quezon, kabilang ang Mabini Ibaba, Amontay, Candangal, at Pinagbayanan, batay sa resulta ng pagsusuri sa dugo na kinumpirma ng Municipal Agriculture Office (MAO) noong Nobyembre 11.
Bilang agarang tugon, nagsagawa na ang MAO ng surveillance, pagsubaybay, at kontroladong pagkatay o culling sa mga apektadong baboy habang pinaigting ang biosecurity protocols sa iba pang barangay na wala pang kaso ng sakit.
Hinimok ng tanggapan ang mga magbababoy na agad iulat ang anumang sintomas ng sakit sa kanilang mga alaga, panatilihing malinis at sarado ang mga kulungan sa mga hindi awtorisadong tao o sasakyan, at huwag magbiyahe ng baboy nang walang kaukulang permit.
Bagama’t hindi nakahahawa sa tao ang ASF ayon sa World Organization for Animal Health (WOAH), nagbabala ang mga awtoridad na hindi ligtas kainin ang karne mula sa mga nagkasakit na baboy.
Samantala, patuloy ang pagpapatupad ng Department of Agriculture (DA) ng mga ASF checkpoint at pagbabakuna, habang pinag-aaralan din ang pag-apruba sa hindi bababa sa apat pang karagdagang bakuna kontra ASF sa susunod na taon.














