-- Advertisements --

Pinaigting ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kampanya nito laban sa mga ilegal na vapor products matapos siyasatin ang 65 establisimyento na nagbebenta ng vape sa ginanap na nationwide Tax Compliance Verification Drive (TCVD) noong Oktubre 7, 2026.

Sakop ng naturang operasyon ang limang revenue regions na kinabibilangan ng Cagayan Valley, Central Luzon, LaQueMar (Laguna, Quezon, Marinduque), Negros Island Region, at Cagayan de Oro City, kung saan naglabas ang kawanihan ng 18 apprehension slips at nakapagtala ng 19 na paglabag.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, ang koordinadong pagsisiyasat ay nagpapakita ng matibay na komitment ng ahensya na protektahan ang pondo ng pamahalaan, tiyakin ang patas na kompetisyon, at panagutin ang mga negosyong lumalabag sa tax laws at regulasyon.

Ipinaalala ni Mendoza na nagbabala na ang BIR noong una at ngayon ay umaksyon na, kasabay ng pagtiyak na magpapatuloy ang intelligence-driven inspections at monitoring sa gitna ng inaasahang pagtaas ng commercial activity ngayong nalalapit na holiday season.

Dahil dito, muling nanawagan ang BIR sa lahat ng mga negosyanteng sangkot sa pagbebenta at pamamahagi ng vape products na mahigpit na sumunod sa mga umiiral na tax obligations upang mapanatili ang maayos at patas na kapaligiran sa pakikipagkalakalan.