-- Advertisements --

Posibleng muling ibaba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan sakaling bumaba o maging stable ang presyo ng petrolyo sa mga susunod na buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay LTFRB Acting Chairman Greg Pua Jr., sinabi nitong handa silang pag-aralan ang fare rollback kung may maghahain ng petisyon para rito.

Paliwanag ni Pua, hindi na bago ang ganitong hakbang dahil noong 2018 ay nagpatupad din ang ahensya ng bawas-pasahe kasunod ng malaking pagbaba sa presyo ng langis.

Matatandaang epektibo nitong Setyembre 28 ang bagong minimum na pamasahe na Php 14 sa traditional jeepney at Php 17 naman sa modern jeepney.

Batay sa initial assessment ng LTFRB, halos lahat ng pampublikong sasakyan ay sumusunod na sa bagong pamasahe.

Gayunman, nakatanggap ang ahensya ng reklamo mula sa ilang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver dahil hindi pa umano ipinatutupad ng mga Transport Network Company (TNC) ang inaprubahang dagdag-pasahe.

Paliwanag ni Pua, may sistema kasi ang mga TNC kaya naaantala ang pagpapatupad nito. Nagbabala naman ang opisyal na maaaring pagpapaliwanagin ang mga kumpanyang hindi susunod sa bagong pamasahe. 

Nilinaw din ni Pua na hindi pa kailangang kumuha ng bagong fare matrix ang mga jeepney driver at operator. Sapat na muna ang fare guide na maaaring i-download nang libre sa website ng LTFRB at ipa-print.