-- Advertisements --

Tumaas ang bilang ng applications para sa special permits ng mga provincial bus para sa undas, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB

Ayon kay acting LTFRB chairman Greg Pua jr., nakatanggap ang ahensya ng 356 applications na sumasaklaw sa 1,003 units para sa iba’t ibang ruta sa bansa.

Mas mataas Ito kumpara sa 323 applications para sa 847 units noong Undas 2025.

Sinabi ni Pua na pinabibilis ng LTFRB ang pagproseso ng permits upang matiyak na sapat ang bilang ng mga bus para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyaherong uuwi sa kanilang mga probinsya.

Gayunman, dumaraan sa mahigpit na pagsusuri ang mga bus bago mabigyan ng special permit, kabilang ang roadworthiness at kahandaan ng mga driver sa pisikal at mental na aspeto.

Maaari ring patawan ng parusa ang mga operator dahil sa reckless driving ng kanilang mga driver.

Inatasan din ng LTFRB ang mga regional offices na inspeksyunin ang mga bus terminal at tiyaking sumusunod ang mga operator sa basic facility requirements para sa mga pasahero.