-- Advertisements --

Nagkaloob ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permits sa 372 pampasaherong bus upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa limang araw na ASEAN holiday break.

Ayon sa LTFRB, layunin ng karagdagang mga bus na matiyak ang sapat na transportasyon para sa mga manggagawa at estudyanteng uuwi sa kani-kanilang probinsya.

Matatandaang gaganapin ang ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong mula Nobyembre 16 hanggang 18. Kaugnay nito, idineklara ng Malacañang ang limang araw na special non-working holiday.

Sa kabuuang 372 special permits, 245 ang inilaan para sa mga bus na bibiyahe patungong Northern Luzon, habang 111 naman ang para sa Central Luzon. Ang natitirang permits ay inilaan para sa mga rutang patungong Bicol, Southern Luzon, at Western Visayas.

Samantala, nagsagawa rin ang LTFRB ng surprise inspections sa mga pangunahing transport hub, kabilang ang mga terminal sa kahabaan ng EDSA Busway, upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng mga pampublikong sasakyan sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.