Hinikayat ng Hollywood star na si Angelina Jolie ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) na pahalagahan ang kabuhayan, kultura, at talento ng bawat lokal na komunidad.
Sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas para makibahagi sa 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit sa Taguig City, ibinahagi ni Jolie ang kanyang mahigit dalawang dekadang pananatili at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na komunidad sa Cambodia.
Ayon sa Hollywood actress, isang inisyatiba ang kanyang sinuportahan para tumulong sa mga mamamayan ng naturang bansa sa iba’t-ibang kapasidad.
Kabilang dito ang paglilinis sa mga lugar na may landmine, pangangalaga sa kalikasan, pagpapaunlad ng sustainable livelihood, at pagsasanay sa mga residente.
Mahalaga aniya na matutukan ang local communities para sila na mismo ang makapagpatakbo sa kanilang mga negosyo, makagawa ng sariling kabuhayan, at mapagbuti ang sitwasyon o kalagayan ng kanilang mga komunidad.
Ibinida rin ni Jolie ang kanyang proyektong Atelier Jolie, isang plataporma na tumutulong sa mga local artist at maliliit na negosyante upang maipakilala ang kanilang mga produkto at mapaabot sa pandaigdigang merkado.















