-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Senator-judge Joel Villanueva ang nakatalang bilang ng mga empleyado ng GenCorp Industries Incorporated matapos lumabas sa General Information Sheet (GIS) nito na wala itong rank-and-file employees noong 2025.

Sa ika-42 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Villanueva na dalawa ang nakatalang rank-and-file employees ng kumpanya sa mga GIS nito noong 2023 at 2024, ngunit naging zero ang bilang sa 2025.

Dahil dito, tinanong ng senador kung paano nakapagtala ang kumpanya ng mahigit P100 milyon na kita gayong wala itong nakalistang rank-and-file employees.

Kinuwestiyon din niya kung paano nagkaroon ng Compensation Committee ang GenCorp sa kabila ng naturang tala sa GIS.

Sa pagtatanong kay Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp, sinabi nitong hindi siya ang naghanda umano ng mga GIS at wala siyang maibiga na paliwanag kung bakit naging zero ang bilang ng mga empleyado.

Aminado rin si Punay na hindi perpekto ang naturang mga dokumento.

Gayunman, sinabi ni Villanueva na hindi sapat ang paliwanag na ito dahil mahirap aniyang unawain kung paano nagkaroon ng zero rank-and-file employees ang kumpanyang nakapagtala ng mahigit P100 milyon na kita.

Bukod dito, binalikan din ni Villanueva ang naunang pagtalakay sa P2.1 milyon na natanggap umano ni Vice President Sara Duterte mula sa GenCorp bilang return of capital.

Inihambing niya ito sa P46,875 na naunang kontribusyon na nakatala sa Davao Bounty Times Corporation at tinanong si Punay kung paano matitiyak na pagbabalik lamang ng puhunan ang naturang halaga.

Sinabi ng witness na wala siyang impormasyon kung may iba pang naging investment matapos ang unang kontribusyon ni Duterte.

Ipinunto naman ni Villanueva na kung maituturing na kita o income ang natanggap na halaga, maaari itong magkaroon ng implikasyon sa ilalim ng mga probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa ilang opisyal ng pamahalaan na direktang o hindi direktang makilahok sa negosyo.