-- Advertisements --

Itinutulak ni Senator Joel Villanueva ang pagtatakda ng living wage bilang pangunahing batayan sa minimum na sahod ng mga manggagawa, alinsunod aniya sa itinatadhana ng Saligang Batas.

Inihain ni Villanueva ang usapin sa pagdinig ng Senado sa panukalang pambansang badyet para sa 2027, kasunod ng pagpapatigil ng korte sa pagpapatupad ng NCR Wage Order No. 27 na magtataas sana sa minimum wage sa Metro Manila mula P755 tungong P840 kada araw.

Kinuwestyon din ng senador ang pag-isyu ng temporary restraining order laban sa wage order, sa kabila ng probisyon sa Labor Code na nagbabawal sa mga korte na maglabas ng injunction o TRO laban sa mga proseso ng wage boards.

Kasabay nito, itinulak ni Villanueva ang Senate Bill No. 44 o Living Wage Act, na naglalayong magtakda ng mekanismo upang masukat ang sapat na sahod para matugunan hindi lamang ang pangunahing pangangailangan ng mga manggagawa kundi magkaroon din sila ng disenteng pamumuhay.

Tinanong din ni Villanueva ang Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev tungkol sa lumalawak na agwat ng sahod sa Metro Manila at mga karatig-probinsya.

Ayon sa senador, napipilitang magtungo sa NCR ang ilang manggagawa mula sa mga kalapit na lalawigan gaya ng Bulacan dahil mas mataas ang sahod sa kabisera.

Ipinaliwanag naman ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan na dapat manatili sa regional tripartite wage boards ang pagpapasya sa minimum wage, at hindi umano praktikal ang iisang minimum wage para sa buong bansa dahil magkakaiba ang kondisyon ng bawat rehiyon.

Gayunman, iginiit ni Villanueva na maaaring manatili ang regional wage boards ngunit dapat baguhin ang batayan ng kanilang pagpapasya—mula sa simpleng minimum wage tungo sa living wage.

Binigyang-diin niya na nakasaad sa 1987 Constitution ang karapatan ng mga manggagawa sa isang sahod na sapat para sa kanilang disenteng pamumuhay.

Iniugnay rin ni Villanueva ang usapin sa Trabaho Para sa Bayan Act, na naglalayong itulak ang mga pamumuhunan sa mga industriyang lumilikha ng trabaho.

Hiningi niya sa DEPDev ang update kung paano isinasama sa panukalang 2027 budget ang mga estratehiya ng batas para sa pangangailangan sa manggagawa, suplay ng labor at pamamahala sa labor market.