-- Advertisements --

Pinuna ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang naging paghahanda ng pang-apat na witness ng depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng isyu ng unexplained wealth.

Ayon kay Tulfo, inaasahan niyang alam ng witness ang dahilan kung bakit ito ipinatawag upang magbigay-linaw sa mga kuwestiyon tungkol sa yaman ng Bise Presidente.

Gayunman, napansin umano ng senador na marami itong hindi nasagot, kabilang ang mga tanong ng prosekusyon tungkol sa return on investment o return of investment.

Kinuwestiyon din ni Tulfo kung bakit hindi nakapagpakita ang witness ng mga dokumentong magpapatunay na ang mga halagang tinutukoy ay talagang mula sa return on investment, gaya ng kontrata o kinanselang tseke.

Dahil dito, pinayuhan ni Tulfo ang witness na sana ay naghanda at nagsaliksik muna bago humarap sa pagdinig.

Binigyang-diin pa ng senador na 15 taon na itong abogado ngunit hindi umano naging handa sa mga tanong na may kaugnayan sa kanyang testimonya.

Inilarawan din ni Tulfo na tila hindi alam ng witness ang ilang bagay na dapat sana ay napaghandaan nito bilang testigo ng depensa.

Nag-ugat ito matapos hindi matukoy ng witness kung ‘return of investment’ o ‘return on investment’ ang naunang nabanggit na P46,000 na investment umano ni Duterte sa Davao Bounty Times Food Corporation, na sinundan naman ng pagbabayad na aabot sa 22.1 milyon mula sa Gencorp.