-- Advertisements --

Hinamon ni Senator Raffy Tulfo si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na tuparin ang pangako nitong sibakin si Food and Drugs Administration (FDA) Director-General Paolo Teston.

Ito ay matapos kumpirmahin ng Senador sa kaniyang privilege speech sa Senado na napatake-down niya sa loob lamang ng pitong araw ang mga produkto na na-flag ng FDA sa kanilang Public Health Warning Advisories na mapanganib sa kalusugan, subalit patuloy pa ring ibinibenta sa online selling platforms.

Matatandaan, nauna nang sinita ng Senador ang FDA sa patuloy na bentahan ng mga mapanganib at hindi nakarehistrong health products online sa budget hearing ng DOH noong Oktubre 1.

Dito, kinuwestyon ng Senador kung bakit nagpapalabas ang ahensiya ng health advisory kung wala silang gagawin para maipatupad ang mga ito.

Hinamon din ng Senador ang FDA chief na bumaba sa pwesto kung hindi niya maaksyunan ang naturang problema.

Sa plenary budget debates naman noong November 26, hinamon ni Sen. Tulfo si Herbosa na siya mismo ang sisibak sa FDA chief kung hindi mapatake-down ang nasabing mga produktong ito at kumasa naman si Herbosa.

Sa ngayon, wala pang tugon si Sec. Herbosa kaugnay sa posibleng pagsibak sa FDA chief.