Nakatakdang maglabas ang Department ogf Health (DOH) ng isang memorandum circular para maisama na sa zero balance billing (ZBB) ang mga direct contributor ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Magbibigay daan ito para sa mga manggagawang direktang nagbabayad ng contribution na ikinakaltas sa kanilang sahod para makapag-avail ng ward o shared room sa lahat ng 87 ospital na pinapatakbo ng DOH nang libre sa ilalim ng ZBB policy.
Sa isang statement, inihayag ng DOH na ginawa ang bagong polisiya bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagmamandatong tiyaking mapapakinabangan ng middle-class earners ang mga benepisyo mula sa gobyerno.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, maraming dumaraing para sa mas pinahusay pang mga benepisyo para sa mga direct contributors ng PhilHealth at ang mga ito ay ang mga kinakaltasan ng kanilang premium contribution mula sa kanilang sahod.
Karamihan aniya sa middle-class earners ay mga direct contributor na umaasang makakakuha ng mas maayos na accommodation sa ilalim ng zero balance billing.
Sa ilalim nga ng programa, walang babayarang hospital bill ang mga pasyenteng ma-admit sa basic o ward accommodation sa alinmang ospital na pinapatakbo ng DOH. Subalit kung pipiliin ng pasyente na mag-avail ng private room, kailangang bayaran ang room rates at services dahil hindi ito saklaw ng polisiya.
















