Nakatakdang makatanggap ng mas pinalawig pang mga benepisyo mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang middle-income contributors.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, layunin ng bagong inisyatiba na mabigyan ng mas magandang mga benepisyo ang mga miyembro ng PhilHealth na nagbabayad ng kanilang premiums ng direkta mula sa kanilang sahod o kita sa negosyo.
Ito ay alinsunod din sa posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pangagailangang suportahan ang mga direct contributor.
Kabilang sa ikinokonsidera ng ahensiya ang pag-upgrade ng hospital accommodations. Ayon kay Sec. Herbosa, natalakay nila ni Executive Secretary Ralph Recto ang posibleng pagbibigay ng mas magandang accommodations para sa direct members. Sa ngayon kasi, lahat ng miyembro ay nabibigyan ng basic accomodations kayat posible aniya na gawing dalawang pasyente sa bawat room o magdagdag ng air conditioning upang ma-enjoy ng direct members ang mas pinagandang benepisyo.
Ang isa pa aniyang rekomendasyon ay ang pagpapalawig ng PhilHealth packages para sa mga ospital na nagpapatupad ng zero-balance billing program.
Pag-aaralan aniya ito ng kanilang team kung kayang masustine ito ng Philhealth, bagamat handa aniya silang magbayad ng malaking halaga sa mga ospital ng hanggang P300 billion at posibleng taasan pa ito ngayong taon.
Binigyang diin naman ni PhilHealth spokesperson Dr. Israel Francis Pargas na ang Philhealth benefits ay available sa lahat ng miyembro, kabilang na ang mga walang premium payments.
















