Tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto na magpapatuloy ang pamahalaan sa pamamahagi ng bigas sa mahihirap na pamilya bilang bahagi ng layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matiyak na walang Pilipinong magugutom.
Sa pagbisita sa Oriental Mindoro, pinangunahan ni Recto ang pamamahagi ng bigas sa 55,000 pamilya sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program.
Ayon kay Recto, umaabot na sa pitong milyong pamilya sa buong bansa ang nakinabang sa programa.
Sinabi ni Recto na bukod sa pagtulong sa mga mahihirap, bumibili rin ang pamahalaan ng palay mula sa mga lokal na magsasaka, na nagbibigay ng dagdag na kita sa sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng programang pinopondohan ng Local Government Support Fund (LGSF), tumatanggap ng tig-10 kilong bigas ang mga benepisyaryo, habang ang mga lokal na pamahalaan ang nangangasiwa sa pamamahagi gamit ang kanilang database upang matiyak na naaabot ang mga nangangailangan.
Tiniyak din ni Recto na maaaring madagdagan ang pondo ng LGSF kung magpapatuloy ang maayos na pagpapatupad ng programa.
Samantala, pinasalamatan ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor ang pamahalaan sa patuloy na suporta sa mga magsasaka at sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain sa lalawigan.
















