-- Advertisements --

Iginiit ng National Food Authority (NFA) ang kahalagahan ng pag-aangkat o importation ng bigas upang maiwasan ang kakulangan sa supply ng bansa.

Ito ay lalo na’t kumakaharap ang Pilipinas sa pinatinding El Niño na inaasahang magtatagal hanggang sa unang quarter ng susunod na taon.

Kaugnay nito, inihayag kamakailan ng grupong Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) na lumagda sila sa isang kasunduan kasama ang USA Rice.

Sa ilalim ng nasabing kasunduan, nilalayon ng PRISM at USA Rice na payagan ang pagpasok ng suplay ng bigas mula sa Estados Unidos simula sa taong 2027.

Subalit nilinaw ni NFA Administrator Dr. Larry Lacson na ang nasabing rice importation plan ay eksklusibong isinusulong ng mga pribadong grupo sa industriya at walang anumang direktang papel ang pamahalaan dito.

Dagdag pa ng ahensya, hindi sila mismo nag-aangkat ng bigas at walang anumang permit ukol sa kasunduang ito ang dumaan sa kanilang tanggapan.