Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na sapat ang emergency rice allocation ng ahensya sa gitna ng banta ng matinding El Niño at ng inaasahang pagdedeklara ng state of calamity ng ilang lokal na pamahalaan sa bansa.
Ayon sa opisyal na tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 100 lokalidad na ang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa matinding tagtuyot, kung saan pinakamarami itong naitala sa Cagayan Valley na may 66 na lugar at sa rehiyon ng Caraga na may 23 na lugar.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, maayos at sapat ang kasalukuyang buffer stock ng ahensya na tatagal nang walong araw para sa buong populasyon ng Pilipinas, kasabay ng tuloy-tuloy na operasyon sa pagbili ng palay.
Batay sa opisyal na datos ng ahensya, nasa humigit-kumulang 292,000 metric tons o katumbas ng 5 milyong sako ng bigas ang kasalukuyang nakaimbak sa iba’t ibang bodega sa buong bansa.
Sa kabila nito, kinilala ni Lacson ang mga umiiral na hamon sa produksyon matapos i-ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbaba ng ani, partikular ang 650,000 metric tons na decline noong ikatlong quarter at inaasahang pagbaba rin sa ikaapat na quarter.
Ayon sa mga projection, posibleng umabot sa 1 milyong metric tons ang kabuuang bawas sa lokal na ani, kaya naman maagang nagpapatupad ang NFA ng mga hakbang para sa epektibong pamamahagi ng suplay.
Ito rin ang dahilan kung bakit mas mababa ang nakuhang volume ng procurement ng ahensya sa mga nakaraang buwan, dahil sa limitadong suplay at sa epekto ng nagdaang panahon sa mga magsasaka.
Sa kabila ng mga hamong ito, iginiit ng NFA na nananatiling matatag ang kanilang kahandaan at patuloy ang koordinasyon upang matiyak ang mabilis na pag-abot ng tulong sa mga LGU na mangangailangan ng suporta.














