Ipinaalala ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa isang nakaupong Bise Presidente na direktang o hindi direktang makilahok sa anumang negosyo.
Sa ika-42 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Hontiveros ang defense witness na si Atty. Suzette Balucanag-Punay tungkol sa naturang pagbabawal, kaugnay ng mga naging investment at financial interest na iniuugnay sa Bise Presidente.
Nang tanungin kung alam niya ang nasabing probisyon, sinabi ni Punay na hindi siya sigurado.
Dahil dito, iginiit ni Hontiveros na malinaw na nakasaad sa Konstitusyon ang pagbabawal.
“Even I, who am not a lawyer, I am sure,” pahayag ng senador.
Kalaunan, kinumpirma rin ni Punay na may ganitong probisyon sa Konstitusyon.
Sa ilalim ng Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution, hindi pinapayagan ang Pangulo, Bise Presidente, mga miyembro ng Gabinete at kanilang mga deputy o assistant na direktang o hindi direktang makilahok sa anumang negosyo habang nasa puwesto.
Kaugnay nito, binalikan din ang P2.14 milyon na natanggap umano ni Duterte mula sa GenCorp bilang return of capital mula 2022 hanggang 2025, batay sa mga rekord na binanggit ni Punay sa kanyang testimonya.
Si Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp Industries Inc., ang tumayong ika-apat na witness ng depensa ni Duterte.
Patuloy na sinisiyasat sa impeachment trial kung may kaugnayan ang naturang transaksiyon sa mga alegasyon tungkol sa negosyo at financial interests ng Bise Presidente.














