Tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto na palalakihin pa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pondo at suporta para sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Sinabi ni Recto na aabot sa halos P1.4 trilyon ang National Tax Allotment (NTA) ng mga local government unit (LGU) sa 2027, pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.
Sa halagang ito, P448.70 bilyon ang mapupunta sa 1,491 munisipalidad, habang P303.56 bilyon ang ilalaan sa mga lalawigan, P263.97 bilyon sa mga barangay, at ang natitira sa mga lungsod.
Bukod dito, nakalaan din ang P58.53 bilyon para sa Local Government Support Fund (LGSF) sa ilalim ng panukalang 2027 national budget. Ito rin ang pinakamalaking alokasyon para sa LGSF.
Ayon kay Recto, gagamitin ang pondo para sa mga proyekto tulad ng kalsada, farm-to-market roads, water systems, health facilities at mga gusaling maaaring gawing evacuation centers.
Kasama rin sa mga programang sinusuportahan ng LGSF ang pamamahagi ng 10 kilo ng libreng bigas kada dalawang buwan sa halos walong milyong pamilya.
Sinabi ni Recto na pinasimple na rin ng pamahalaan ang proseso ng paghingi ng LGSF upang mabawasan ang requirements at mapabilis ang paglabas ng pondo.
Tiniyak niya na palalawakin pa ng gobyerno ang suporta sa mga LGU na may mga programang epektibong nakatutulong sa mga mamamayan.
















