-- Advertisements --

Naka-sick leave si Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa matapos sumailalim sa knee replacement surgery, ayon kay Department of Health (DOH) spokesperson Undersecretary Albert Domingo.

Kinumpirma ni USec. Domingo na nagsimula ang sick leave ni Sec. Herbosa noong Hulyo 6.

Ayon kay Domingo, naging matagumpay ang isinagawang operasyon at kasalukuyan nang sumasailalim si Herbosa sa physical therapy at rehabilitation.

Sa kanyang Facebook post, ibinahagi rin ni Herbosa ang kanyang larawan habang suot ang damit na may nakasulat na “New knee, new me.”

Habang naka-leave si Herbosa, pansamantalang nagsisilbing Officer-in-Charge ng DOH si Domingo.

Nilinaw naman ni Domingo na karaniwang proseso lamang ang pagtatalaga sa chief of staff bilang OIC kapag pansamantalang hindi magampanan ng kalihim ang kanyang tungkulin, at agad itong nagtatapos sa oras na makabalik ang kalihim sa trabaho.

Hindi naman sinabi ni Domingo kung kailan inaasahang makababalik sa tungkulin si Herbosa.