Naghatid ng medical services at psychosocial support ang pamahalaan para sa mga residenteng apektadp ng sunog sa Navotas landfill, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang statement, inihayag ng ahensiya na binisita ni Health Sec. Ted Herbosa ang evacuation center sa Obando, Bulacan nitong Biyernes, kung saan kasalukuyang pansamantalang nanunuluyan ang mga inilikas na apektadong residente.
Karamihan umano sa mga residente ay nais na makabalik sa kanilang mga bahay, subalit nagbabala ang DOH laban sa banta sa kalusugan at panganib dulot ng haze mula sa sunog.
Sa kaniyang pagbisita, ipinaliwanag ni Sec. Herbosa sa mga residente na mapanganib sa kalusugan ang haze mula sa sunog.
Sa kabila nito, sinabi ng DOH na ang mga residenteng nagpasyang manatili malapit sa landfill ay makakatanggap ng medical services gaya ng blood tests at libreng konsultasyon.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng gobyerno para matugunana ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Matatandaan, sumiklab ang malaking sunog sa landfill facility noong Abril 10, na nagpalala sa kalidad ng hangin sa ilang parte ng Metro Manila.
















