-- Advertisements --

Naglabas ng direktiba ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na obligahin ang lahat ng sanitary landfill operators sa buong bansa na magsumite ng contingency plans para sa sunog at iba pang emergency, kasunod ng insidente sa Navotas landfill fire.

Ayon sa Environmental Management Bureau (EMB), ang mga operator ay binigyan ng 15-araw mula sa pagtanggap ng memo na isumite ang kanilang emergency preparedness plans.

Kabilang sa mga dapat lamanin ng contingency plan ang mga hakbang sa pag-iwas at pag-apula ng sunog, emergency response protocols para sa slope failure, leachate overflow, at gas explosions, pati na rin ang maayos na sistema ng gas venting at monitoring.

Dapat ding may nakalatag na koordinasyon sa local government units (LGUs), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang ahensya, pati na evacuation at public safety procedures at plano sa rehabilitasyon matapos ang insidente.

Kasabay nito, inatasan din ng DENR ang mga LGU na itigil agad ang operasyon ng mga open at controlled dumpsites, at ipatupad ang kanilang Safe Closure and Rehabilitation Plan (SCRP) upang maiwasan ang panganib sa komunidad.