Arestado ang walong Chinese national dahil sa umano’y ilegal na pagmimina sa Surigao Del Norte.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) nakumpiska ang ilang mga equipment at mining paraphernalia na nagkakahalaga ng P153.34 million.
Kabilang na dito ang improvised air guns, ilang mga dokumento na pagmamay-ari ng Chinese nationals, walong dump trucks, limang payloaders, 16 truck excavation, walong generator sets, walong sluice mat, at apat na sluice machines o makinang ginagamit sa paghihiwalay ng ginto o iba pang mineral mula sa buhangin at graba gamit ang umaagos na tubig.
Narekober din ang 80 kilo na mga sampol ng mineral na nakuha sa lugar ng pagmimina.
Kabilang din sa iba pang nakumpiskang mga gamit ang isang Armscor shotgun na may serial number na 2522885 at 12 bala ng shotgun, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Samantala, isinasagawa na sa Tanggapan ng Piskal ng Surigao City ang inquest proceedings laban sa 18 suspek.
Nahaharap naman ang mga Chinese nationals sa mga kaso ng paglabag sa Sections 102 at 103 ng Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995, kaugnay ng ilegal na eksplorasyon at pagnanakaw ng mga mineral.
Isasailalim naman sa administratibong proseso ng kumpiskasyon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region XIII ang mga heavy equipment, sasakyang ginamit sa operasyon, at iba pang kagamitang may kaugnayan sa pagmimina.
Magkakasama sa joint operation ang DENR, Philippine National Police, kasama ang law enforcement personnels katulad ng Philippine Air Forces.















