-- Advertisements --

Naglabas ng paglilinaw ang Department of Justice ukol sa inihaing ‘petisyon’ para sa ‘extradition’ ni Pastor Apollo Quiboloy tungo sa Amerika. 

Iginiit ng DOJ na hindi awtomatikong ‘guilty’ na kaagad ang nakadeteng pastor nang pormal dalhin sa korte ang kahilingan ng Estados Unidos. 

Ayon sa inilabas na pahayag ng kagawaran, ang proseso ng ‘extradition’ ay hiwalay pa sa determinasyon ng pagiging may sala nito. 

Ang pagiging ‘guilty’ o ‘inosente’ anila ni Pastor Quiboloy ay nakadepende sa magiging pasya ng korte ng estadong pagdadalhan sa kanya. 

Nilinaw ng DOJ na hindi ‘criminal proceeding’ ang proseso ng ‘extradition’ sapagkat ito’y ‘sui generis’ o natatangi. 

Nitong ika-9 ng Nobyembre ay tuluyan nang inihain ng DOJ ang ‘petition for extradition’ sa Makati Regional Trial Court kontra sa pastor. 

Kabilang sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy ay ang international human trafficking, sex trafficking, conspiracy, at bulk cash smuggling. 

Magugunitang noong inihahanda pa lamang ang petisyon, ayon kay Chief State Counsel Dennis Chan, hindi dapat maharap sa pinakamabigat na parusa ang pastor sakaling ma-extradite. 

Maliban sa naturang pastor, kabilang sa mga nais ng Amerika na ma-extradite na kapwa-respondents ni Quiboloy ay sina Teresita Dandan at Helen Panilag.