Umabot sa “emergency” level ang konsentrasyon ng PM2.5 sa isang monitoring station sa Zamboanga City, batay sa pinakahuling datos ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), sa gitna ng nagpapatuloy na sunog sa kagubatan sa Kalimantan, Indonesia.
Nitong Miyerkules, Oktubre 14, naitala ang naturang antas sa Ateneo de Zamboanga University Tumaga station. Ilang lugar din sa Visayas at Mindanao ang nakapagtala ng acutely unhealthy at very unhealthy na kalidad ng hangin, habang unhealthy for sensitive groups naman ang kondisyon sa ilang monitoring station sa Cagayan de Oro, Iligan, Davao Occidental at Meycauayan City.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau, posibleng dulot ng usok mula sa mga sunog sa Indonesia ang haze na tumawid sa Pilipinas sa tulong ng umiiral na direksiyon ng hangin.
Pinayuhan ng ahensiya ang publiko na iwasan ang matagal na pananatili sa labas, lalo na sa mga lugar na apektado ng haze. Pinag-iingat din ang mga bata, matatanda at may sakit sa puso o paghinga, at inirerekomenda ang pagsusuot ng face mask, partikular ang N95.














