Nagpahayag ng pag-aalala si Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David kaugnay ng patuloy na epekto ng sunog sa landfill sa Navotas na nakaapekto na sa mga karatig-lugar.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni David na ilang araw nang nasusunog ang landfill at naapektuhan ng makapal na usok ang Navotas, Malabon, at Obando.
Ayon naman sa Bureau of Fire Protection, posibleng sanhi ng sunog ang methane gas mula sa nabubulok na basura na lalong pinalakas dahil sa nararanasang matinding init ng panahon.
Bagamat wala pang pinal na resulta ang imbestigasyon, iginiit ng kardinal na may sapat nang basehan upang kuwestiyunin ang pamamahala sa landfill, kabilang ang kakulangan sa gas control at pagsunod sa mga patakaran.
Binigyang-diin din niya ang Republic Act No. 9003, na nagtatakda ng tamang sistema sa pamamahala ng basura.
Ayon kasi sa batas, ang sanitary landfill ay dapat may sapat na proteksyon sa kalikasan tulad ng maayos na gas control system, wastewater treatment, at monitoring ng groundwater.
Dagdag pa ni David, dapat ay may Materials Recovery Facility (MRF) ang bawat barangay para sa tamang paghihiwalay, pagre-recycle, at muling paggamit ng basura. Gayunpaman, batay sa ulat ng Commission on Audit noong 2023, wala pang kalahati ng mga barangay sa bansa ang may ganitong pasilidad.
Samantala, iniulat na isinasaalang-alang na ng Department of Environment and Natural Resources sa pamamagitan ng Environmental Management Bureau ang pagsasampa ng kasong kriminal, sibil, at administratibo laban sa dating operator ng landfill dahil sa mga paglabag tulad ng hindi kumpletong rehabilitation plan at kakulangan sa pasilidad.
Giit pa ng Cardinal na ang isyu ay hindi na lamang tungkol sa basura kundi sa kalusugan na ng publiko.















