-- Advertisements --

Muling naitala ang maruming kalidad ng hangin sa ilang parte ng Metro Manila umaga ngayong Biyernes, Abril 17, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Batay sa monitoring of concentrations ng Particulate Matter 2.5 (PM2.5) ng DENR-Environmental Management Bureau, naitala ang air quality index na 189, na ikinokonsiderang “unhealthy,” sa Punturin, Valenzuela City.

Gayundin, naitala ang maruming hangin sa monitoring stations sa Commonwealth Avenue at sa loob ng Ateneo de Manila University campus sa Quezon City, maging sa Marikina City, Malabon City at Caloocan City.

Parehong air quality ang naitala sa mga nabanggit na lugar kaninang tanghali.

Ibinabala naman na ang mga pinong particles na ito ay kayang tumagos nang malalim sa mga baga at pumasok sa daluyan ng dugo, na nagiging sanhi ng iba’t ibang malalang sakit.

Iniuugnay naman ng mga awtoridad ang hindi magandang kalidad ng hangin sa nagpapatuloy na sunog sa Navotas Sanitary Landfill, na sumiklab 7 araw na ang nakalilipas mula noong Abril 10, kung saan aabot hanggang 80 porsyento ng lugar ang apektado.

Sa ngayon, ayon sa Bureau of Fire Protection, wala pang timeline kung kailan ganap na maapula ang sunog dahil sa buildup ng methane gas, na nakapagpalala sa sunog.

Samantala, sa panig ng Department of Health, nagpaabot na ang ahensiya ng face masks, vitamins, konsultasyon at gamot sa ubo at hika dahil sa nararanasang haze bunsod ng sunog sa Navotas Landfill.

Pinapayuhan naman ang mga apektadong residente na manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari, magsuot ng N95 mask kung lalabas ng bahay, isara ang mga pintuan at gumamit ng basang tela para takpan ang mga siwang at gumamit ng head lights kapag bibiyahe sa gabi at kung malabo ang paligid.

Kapag kailangan ng tulong, maaaring tumawag sa National Emergency Hotline 911.