-- Advertisements --

Inalmahan ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang pahayag ni Senador Imee Marcos na tumutuligsa sa mga tutol sa remote participation o online attendance sa mga sesyon ng Senado.

Una nang sinabi ni Senador Marcos na “disenfranchisement ng voters” umano ang hindi pagpapahintulot sa ilang senador na makalahok sa pamamagitan ng online voting o remote participation.

“Ilang milyong tao ang naghalal sa kanila. Mababalewala ’yon if they are not allowed to participate sa Senado,” ani Marcos.

Ngunit sa isang social media post nitong Biyernes, Mayo 29, iginiit ni Cardinal David na mas dapat umanong pagtuunan ng pansin ang mga botanteng nagluklok kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na umano’y anim na buwan nang hindi dumadalo nang personal sa mga sesyon ng Senado habang patuloy na tumatanggap ng suweldo mula sa gobyerno.

“Bakit ’di siya umattend physically? Bakit siya a-attend online? May sakit ba siya? Ah, ok, baka arestuhin siya?” ani Cardinal David.

Dagdag pa niya, tila dapat na ring repasuhin ang kahulugan ng “force majeure” sa mga patakaran ng Senado kung pagbabasehan ang mga ganitong sitwasyon.

Kinuwestiyon din ng cardinal ang pangamba umano ni Dela Rosa sa posibilidad ng pag-aresto, sa kabila ng mga pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na walang umiiral na balidong warrant of arrest laban sa senador.

“Di ba’t binigyan pa nga siya ng special protective custody na nauwi pa sa putukan porke’t ‘under attack’ daw ang Senado?” dagdag pa ni David.

Binalikan din niya ang mga pangyayaring nagbigay-daan sa pagbibigay umano ng escort kay Dela Rosa papasok at palabas ng Senado sa gitna ng mga pagbabago sa mayorya ng kapulungan.

Samantala, maaalalang nag-walkout ang Senate minority bloc noong Martes, Mayo 26, bilang protesta sa umano’y pagtatangkang madaliin ang mga pagbabago sa mga patakaran ng Senado habang may mga senador pang nais magpahayag ng kanilang mga saloobin sa plenaryo.