Itinanggi ng Malacañang ang puna ni Senador Imee Marcos sa patuloy na pagsisilbi ng ilang opisyal bilang acting cabinet secretaries, at iginiit na bahagi Ito ng constitutional prerogative ni pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang nilalabag na batas o proseso ang pangulo sa pagtatalaga ng acting officials.
Maaari umanong manatili ang mga Ito sa acting capacity habang wala pang permanenteng appointment.
Una nang kinuwestiyon ni Sen. Marcos ang mahigit isang dosenang opisyal na hindi pa dumadaan sa Commission on Appointments o CA para sa confirmation.
Tinawag din niyang “Overacting” ang naturang kalakaran dahil dalawang taon na lamang ang natitira sa administrasyon.
Ipinaliwanag naman ng Palace na iba ang acting appointment sa Ad Interim appointment.
Ang Ad interim appointee ay maaaring isalang sa CA para sa confirmation o rejection, habang ang acting secretary ay maaaring italaga pansamantala ng pangulo upang punan ang bakanteng posisyon.
















