Naniniwala ang ilang miyembro ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na premature pa ang petisyong inihain nina Senator-Judges Robin Padilla at Bong Go sa Supreme Court laban sa ruling ng Impeachment Court sa voting threshold.
Ayon kay Lead House Prosecutor Gerville Luistro, wala pang aktuwal na pinsalang maaaring gamiting batayan sa petisyon dahil hindi pa nagaganap ang botohan. Sinabi rin nina House Prosecution Counsel Atty. Lorna Kapunan at Atty. Benjamin Tolosa Jr. na maaari pang magbago ang bilang ng mga senator-judge na dadalo sa araw ng pagboto.
Iginiit din ng mga prosecutor na mahirap patunayang may grave abuse of discretion ang Impeachment Court dahil dumaan sa masusing proseso ang pagtalakay sa voting threshold, kabilang ang pagdinig sa panig ng prosekusyon at depensa at paghingi ng opinyon sa apat na amici curiae na dating mahistrado ng Korte Suprema.
Para kay Luistro, saklaw ng eksklusibong kapangyarihan ng Senado bilang Impeachment Court ang usapin at maituturing itong political question. Gayunman, tiniyak ng prosecution panel na magsusumite sila ng komento sa petisyon at igagalang ang proseso sa Korte Suprema.













