-- Advertisements --

Nanawagan si Senate President Win Gatchalian sa mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies na paigtingin ang mga hakbang sa seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero ngayong mahabang weekend para sa paggunita ng Undas.

Ayon kay Gatchalian, inaasahang dadagsa ang mga pasahero sa mga expressway, pangunahing lansangan, bus terminal, paliparan at pantalan habang umuuwi ang mga Pilipino upang dalawin at alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Dahil dito, hinikayat niya ang mga lokal na pamahalaan at mga awtoridad na palakasin ang pagpapatupad ng mga security protocol upang maiwasan ang mga insidente at matiyak ang maayos na paglalakbay ng publiko.

Aniya, mas magiging makahulugan ang paggunita ng pag-alala sa mga yumao na mahal sa buhay kung maayos at ligtas ang lahat sa biyahe. 

Binigyang-diin din ng Senate President ang kahalagahan ng disiplina, pasensiya at paggalang sa kapwa motorista, lalo na sa mga panahong inaasahang mas matindi ang daloy ng trapiko.

Payo pa niya sa mga motoristang babayahe ngayong undas, huwag pairalin ang init ng ulo at maging magalang sa mga kapwa motorista. 

Tradisyonal na ginugunita ng mga Pilipino ang All Saints’ Day tuwing Nobyembre 1 at All Souls’ Day tuwing Nobyembre 2, kung kailan maraming pamilya ang bumibisita sa mga sementeryo at umuuwi sa kanilang mga probinsya.