-- Advertisements --

Inatasan ni Senate Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang Manila International Airport (MIA) na magsumite sa loob ng 48 oras ng kumpletong ulat sa kondisyon ng lahat ng closed-circuit television (CCTV) camera sa ilalim ng pangangasiwa nito.

Ginawa ni Tulfo ang direktiba matapos lumabas sa pagdinig ng komite na may mga CCTV sa paliparan na hindi gumagana.

“I want it fixed,” diin ng senador, na iginiit na kailangang matukoy ang kalagayan ng mga surveillance camera at maaksyunan ang mga kagamitang hindi gumagana.

Sa kaniyang kautusan, nais ni Tulfo na malaman ang kabuuang status ng mga CCTV, kabilang ang mga gumagana at hindi gumagana, upang matukoy kung aling mga bahagi ng sistema ang nangangailangan ng pagkukumpuni.

Mahalaga ang maayos na operasyon ng mga CCTV sa paliparan para sa seguridad at pag-iimbestiga sa mga insidenteng maaaring mangyari sa loob ng pasilidad.

Inaasahang makatutulong ang hinihinging ulat upang matukoy ang mga problemang kailangang tugunan at ang mga hakbang na dapat gawin ng pamunuan ng paliparan upang maiwasan ang anumang pagnanakaw sa lugar.