Umaasa si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mapayapa at walang madugong insidente ang posibleng pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, kasabay ng pagbibigay-diin na nararapat pa rin sa kapwa senador ang due process sa kabila ng mga paratang laban dito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na nananalangin din siyang maisagawa nang walang karahasan o trahedya ang pag-aresto kay Dela Rosa, na dati niyang naging tauhan sa Philippine National Police (PNP) at kapwa nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA).
Binigyang-diin ng senador na ang karapatan sa due process ay hindi nawawala kahit nahaharap sa mabibigat na alegasyon ang isang tao.
Matatandaan na naglabas ang pamahalaan ng P50-milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kinaroroonan ni Dela Rosa, habang binigyan naman siya ng PNP ng isang linggo upang sumuko at harapin ang paglilitis sa International Criminal Court (ICC).
Nahaharap si Dela Rosa sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra droga, kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagtago ang senador mula Nobyembre 2025 matapos malaman na naglabas ang ICC ng warrant of arrest laban sa kaniya. Huli siyang nagpakita sa Senado noong Mayo 11 upang bumoto sa pagpili kay Sen. Allan Peter Cayetano bilang Senate president, at nanatili roon nang ilang araw bago umalis kasunod ng pamamaril sa loob ng Senado.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Lacson na naniniwala siyang may sapat na impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa kinaroroonan ni Dela Rosa, batay sa mga pahayag nina PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at Interior Secretary Jonvic Remulla.
Gayunman, kinuwestiyon niya ang pangangailangan sa P50-milyong pabuya kung mayroon nang maaasahang impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa lokasyon ng senador.
Ipinaliwanag ni Lacson na karaniwang ginagamit ang mga pabuya upang mahikayat ang publiko na magbigay ng impormasyon tungkol sa mga wanted na indibidwal, lalo na kung mahirap o mapanganib ang paghahanap sa mga ito.
Kinuwestiyon din niya ang paglalarawan kay Dela Rosa bilang “armed and dangerous,” dahil, ayon sa kaniya, isinuko na umano ng senador ang lahat ng kaniyang lisensiyadong baril. Gayunman, inamin niyang wala siyang kaalaman kung mayroon itong ibang armas.
Sa kabila ng kaniyang mga tanong, sinabi ni Lacson na ipauubaya na niya sa PNP ang operasyon dahil mas malawak ang access nito sa intelligence information.













