-- Advertisements --

Hinimok ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang mga susunod na lider ng militar mula sa Philippine Military Academy (PMA) na mas paigtingin ang ambisyon sa pagpapalakas ng depensa ng bansa at labanan ang kaisipang hindi kayang harapin ng Pilipinas ang mga hamon sa seguridad, lalo na kung nakataya ang soberanya at teritoryo nito.

Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng anibersaryo ng 

PMA, sinabi ni Teodoro na hindi dapat maging kampante ang bansa sa gitna ng nagbabagong banta sa pambansang seguridad.

“We need to be ambitious in order to have the right motivation to deal with these challenges, and to defeat defeatism,” ani Teodoro, habang hinimok ang mga kadete at susunod na opisyal na maging halimbawa ng kahandaan at paninindigan sa pagtatanggol sa bansa.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi kayang maging kampante o sobrang konserbatibo ng Pilipinas pagdating sa pagtatanggol sa teritoryo at soberanya nito.

Ayon kay Teodoro, kailangang bilisan ng pamahalaan ang pagpapalakas ng kakayahan ng militar upang makahabol sa mga hamon sa seguridad na matagal nang dapat pinaghandaan.

Aniya, hindi na maibabalik ang panahong nasayang sa pagpaplano, kaya kailangang mas pabilisin ang mga hakbang sa kasalukuyan.

Kabilang sa mga hamong dapat paghandaan ang pag-usbong ng mga bagong teknolohiya, paglawak ng mga larangan ng operasyong militar, at paggamit ng impormasyon bilang kasangkapan sa tunggalian.

Iginiit ni Teodoro na kailangang patuloy na umangkop ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang PMA sa mga pagbabagong ito, kabilang ang paghubog ng mga lider na kayang umunawa at tumugon sa mga banta sa hinaharap.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang kakayahan ng bansa na ipatupad ang mga batas nito sa malawak na saklaw ng karagatang nasasakupan ng Pilipinas.

Inilarawan ni Teodoro ang PMA bilang mahalagang institusyon sa paghahanda ng mga kadeteng magiging junior officers ng AFP at, sa hinaharap, ng Philippine Coast Guard.

Ipinaliwanag din niya na magkaiba ang edukasyon, na nagbibigay ng kaalaman, at pagsasanay, na humuhubog sa praktikal na kasanayang kailangan sa paglilingkod sa militar.