-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Department of National Defense (DND) ang mga naging pahayag ng China kaugnay sa nalalapit na Balikatan Exercises, na dadaluhan ng iba’t ibang kaalyadong bansa.

Tinawag ng China na “biggest war games” at “playing with fire” ang naturang military exercise na pangungunahan ng Pilipinas, Japan, at Estados Unidos.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., may iba’t ibang agenda umano ang China at hindi ito nagiging transparent sa tunay nitong intensyon. Dahil dito, iginiit ng kalihim na mahirap magbigay ng tiwala sa mga aksyon at pahayag ng naturang bansa.

Tinatayang libu-libong sundalo mula sa iba’t ibang allied nations ang lalahok sa pagsasanay, na magtatampok ng mga bagong aktibidad na layong palakasin ang interoperability at ugnayan ng mga kalahok na bansa.

Samantala, nilinaw ni Teodoro na ang Balikatan ay isang “exercise of collective deterrence” at hindi nakatuon laban sa anumang partikular na bansa, kabilang ang China.