Nagtapos na ang dalawang araw na 2026 Asean Ministerial Conference on Disaster Resilience sa pamamagitan ng pagpapatibay sa Manila Declaration upang palakasin ang pagtugon sa mga sakuna sa Timog-Silangang Asya.
Inihayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na siya ring pinuno ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang opisyal na pagtanggap sa kasunduan sa ginanap na pagtatapos ng pagtitipon.
Ayon kay Teodoro, nakatuon ang Manila Declaration sa tatlong pangunahing layunin kabilang ang pagpapabilis ng AADMER Work Program 2026-2030, pagpapatibay ng accountability at monitoring, at pagbuo ng mga estratehiya para sa disaster resilience patungong 2030 at susunod pang mga taon.
Binigyang-diin ng kalihim na magsisilbing gabay ang dokumento upang mas mabilis at epektibong makatugon ang mga bansa sa rehiyon sa mga pagbabago at banta ng mga kalamidad.
Nakatakda namang iharap at bigyang-pansin ng mga lider ng mga kasaping bansa ang Manila Declaration sa darating na 49th Asean Summit ngayong Nobyembre.
















