-- Advertisements --

Opisyal nang isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Bohol dahil sa malawakang pinsalang dulot ng matinding tagtuyot o El Niño sa sektor ng agrikultura.

Sa pinakahuling assessment, 36 mula sa 48 local government units (LGUs) na binubuo ng 47 bayan at isang lungsod ang nakapag-ulat na ng pinsala sa kanilang mga sakahan, habang hinihintay pa ang opisyal na ulat mula sa nalalabing 12 LGUs.

Batay sa datos ng pamahalaang panlalawigan, umabot na sa mahigit P360 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura at mahigit 15,000 magsasaka na ang apektado sa probinsya.

Bilang agarang tulong, nakatakdang mamahagi ang lokal na pamahalaan ng mga water pump, kabilang ang mga solar-powered unit, pati na rin ng mga drought-resistant seeds para sa mga apektadong magsasaka.

Maglalabas din ng lingguhang agricultural advisories upang gabayan ang mga magsasaka sa tamang iskedyul ng pagtatanim, angkop na uri ng pananim, at lagay ng suplay ng tubig para sa irigasyon.

Bukod dito, ikinokonsidera rin ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng cloud seeding operations sa sandaling maging maayos at angkop ang lagay ng panahon upang maibsan ang epekto ng tagtuyot.