-- Advertisements --

Inihayag ng political analyst na si Professor Antonio Contreras na magbubukas ng maraming oportunidad sa Pilipinas ang Pax Silica na inisyatiba ng Estados Unidos sakaling maipatupad ito sa bansa.

Muling umigting ang usapin dahil sa kamakailang pagbisita ni US President Donald Trump para sa 49th ASEAN Summit na idinaos sa bansa, kung saan naging usap-usapan ang umano’y paglagda sa nasabing proyekto na pinabulaanan naman ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Tinukoy ng political scientist na ang proyekto ay nakapaloob sa matinding tunggalian ng Amerika at China ukol sa pangingibabaw sa pandaigdigang digital na industriya sa pagitan ng dalawang makapangyarihang bansa.

Kaugnay nito, inilarawan din niya ang kasalukuyang kalagayan ng bansa kaugnay ng China sa usapin ng yamang mineral, kung saan aniya ay namamayani ang China sa mga mahahalagang mineral na iniluluwas, ginagamit upang iproseso, at saka ibinebenta nang mas mahal.

Maaaring magsilbing kasangkapan ang naturang proyekto lalo na umano sa bansa nating kapos sa resources at nangangailangan ng estratehiya upang mapakinabangan at mapalawak ang mapagkukunan. Aniya, huwag sanang pairalin ng mga Pilipino ang defeatism o ang kaisipang tayo ay palagi na lamang ginagamit.

Ayon sa kanya, may naghahain na ng oportunidad at kabilang na tayo sa network, kaya ang pangunahing tanong ay kung paano ito isusulong para sa sariling kapakinabangan. Iginiit niyang sakaling may masamang maidulot sa kalikasan ay dapat itong bantayan, gayundin sa ekonomiya, at ang kapakanan ng mga katutubo at magsasaka ay nararapat ding pag-ingatan.

Dagdag pa niya, hindi maaaring basta na lamang tanggihan nang walang malinaw na pagtaya, at mahalagang patuloy na tuklasin ang pakikipag-ugnayan sa China at paigtingin ang industriyalisasyon sa bansa.