Iginiit ng defense analyst na si Dr. Renato de Castro na walang anumang batayan ang pahayag ng ilang Chinese scholars na bahagi ng Taiwan ang Batan Island kaya’t China umano ang may soberanya rito.
Aniya, “gawa-gawa lang ng China” ang naturang claim at karaniwang taktika na ginagamit ng Beijing kapag may lugar silang nagugustuhan.
Ayon kay de Castro, ang pinagbabatayan ng mga Chinese scholars ay ang tinatawag na “geographical link” o pagkakadugtong-dugtong ng Taiwan at Batanes.
Dagdag pa niya, mayroong Philippine Studies program na pinamumunuan ng isang Chinese na si Fan Dai, na pinondohan ng Beijing, at ginagamit umano upang palaganapin ang ganitong uri ng propaganda.
Una nang inalmahan ng Pilipinas ang naturang pahayag.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi na dapat patulan o bigyang-pansin ang mga ganitong haka-haka na tinawag nilang “flights of fancy.”
Samantala, binigyang-diin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na “baseless” o walang basehan at katawa-tawa ang naturang claim ng mga Chinese scholars.
Ang isyu ay lumabas sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea, kung saan patuloy ang mga insidente ng panghaharang at panggigipit ng Chinese vessels laban sa mga barko ng Pilipinas.
Sa kabila nito, tiniyak ng pamahalaan na nananatiling matatag ang posisyon ng bansa sa pagtatanggol sa Batanes at iba pang teritoryo ng Pilipinas laban sa anumang uri ng maling pahayag o pananakot mula sa China.
















