-- Advertisements --

Binuweltahan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro ang Chinese Communist Party matapos na maglabas ng mga pahayag at video ng umano’y pagkakalat ng panig ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Ayon sa kalihim, patunayan aniya ng China na totoo ang kanilang mga akusasyon at ipakita na hindi lamang ito isang paraan o isang panibagong isyu ng panlilinlang o pamemeke.

Ani pa ni Teodoro, lahat ng ginawa ng China ay pawang angaakusa lamang at walang sapat na ebidensiyang makapagpapatunay na totoo ang kanilang mga ibinabatong alegasyon.

Samantala, maliban naman dito ay pinuna rin ng kalihim ang mga naging pambabatikos ng China sa Balikatan Exercises ngayong taon na siyang nagpapatuloy sa ngayon at dinaluhan rin ng iba’t ibang pwersa ng militar mula sa mga allied nations gaya ng United States, Japan at iba pa.

Ani Teodoro, ang China ang mahilig maglaro sa apoy at hindi ang Pilipinas kung saan inihalimbawa rito ng kalihim ang pinagmulan umano ng mga pagawaan ng mga usong fireworks na orihinal na nagmula sa tradisyon ng China.