Humingi ng tulong ang Department of National Defense (DND) sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil umano sa pagkalat ng mga pekeng sulat na pirmado umano ni DND Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Ayon kay DND Spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, na nakasaad sa sulat ang operasyon sa Ayungin Shoal at ang kooperasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Dagdag pa ni Andolong na ang nasabing sulat ay malinaw na mali at peke.
Naniniwala ito na isang uri ng foreign interference at malign influence na layon ay sirain ang mga lehitimong hakbang ng gobyerno ng Pilipinas para matiyak ang pagbabantay sa soberanya at integridad ng bansa.
Dahil dito ay inilapit nila ang usapin sa NBI para imbestigahan kung sino ang nagpakalat ng nasabing pekeng sulat.
Magugunitang kumalat ang sulat na naka-address sa isang Peter Enzminger kung saan ang nangyaring Ayungin operation noong Hulyo 20 na nagresulta sa pagkakasugat ng mga navy personnel ng bansa ay nakamit umano ng bansa ang adhikain nito para mailabas ang masamang ginagawa ng China gaya ng bullying at iba pa.
















